Ang Pacicipagsapalaran ng Maguiting na Caballero Ydda at Caguilagililalas na Princepe Ull, unang bahagi

Noong Ikalawang Panahon (ang panahon pagkatapos ng Unang Panahon), may prinsesa, na itatago natin sa pangalang Antonio, na ikinulong sa isang toreng mababaw sa ilalim ng lupa (para mahirap abutin). Nabalitaan ito ng Magiting na Kabalyero Ydda sa pamamagitan ng kanyang Mahiwagang Tsismosa(TM), at ninais niya na ligtasin ito, dahil wala siyang gagawin sa susunod na Sabado.

Sakay ang kanyang Mahiwagang Bibe, na singlaki ng dalawang barko, na may balahibo na kumikinang na parang pilak, at ang tuka ay parang tanso, tumungo ang kabalyero sa Isla ng Pitongbundok, kung saan matatagpuan ang kaisa-isang tindahan ng sapin sa paa na tinatawag na Procs(TM). Katabi ng tindahang iyon ang toreng kulungan ng Prinsesa, kaya’t dadaanan na lang ng Ydda ang tore pagkatapos bumili ng bagong Procs(TM).

Paglapag ng Kabalyero Ydda sa pampang ng Pitongbundok, nakilala niya ang isang prinsepeng nagngangalang Ull Oakoloquo na naghahanap ng huling tinidor na ginamit ni San Pepe noong huling agahan ni Judas. Naisipan nilang magtulungan sa kanilang pakikipagsapalaran upang makatipid sa pamasahe. Sumakay si Prinsepe Ull sa Bibe ni Kabalyero Ydda, at pinatugtog ni Ydda ang kanyang Mansanas ni Eba(TM), para hindi sila mabugnot sa paglalakbay.

Ang una, ikalawa, at ikatlong araw ng kanilang paglalakbay ay hindi angkop sa mga batang mambabasa, dahil masyadong maselan ang mga pangyayari, na kinasasangkutan ng Bibe at isang Higanteng Puno ng Kamatis. Nangyari ang lahat ng hindi lang man namamalayan nila Ull at Ydda.

Sa ikaapat na araw ng paglalakbay, nakilala nila ang Tatlong Hari. Tanong ng Tatlo, “Prinsepe at Kabalyero, nasaan ang Dakilang Tagapagtubos?”. Sagot ni Ydda “May nadaanan kaming Pawnshop sa kabilang kanto. Naroon ang Tagapagtubos at Tagapagsangla.”, at nagpatuloy sila sa paglalakbay.

Sa ikalimang araw, huminto bigla ang Bibe. Umire ang Bibe, at lumabas ang isang higanteng itlog na kulay pula. Kinatok ng Ull ang itlog, at ito’y nabasag. Mula dito, lumabas ang sabaw ng balut na lasang ketchup(o catsup. Ano ba talaga?). Nagbunga ang kamunduhan ng Bibe at ng Higanteng Puno ng Kamatis.

Kamuntikang malunod ang dalawa. Umakyat sila sa kanya-kanyang puno. Mula sa kanyang bulsa, nilabas ni Ull ang kanyang cellphone, tinaas sa langit, at sabi “Pare, walang signal! Mahina ang cellsite!”, at mula sa kalangitan, bumaba ang isang kalapati na ubod ng puti na may dalang SIM card sa kanyang tuka. Binigay niya ito kay Ull at sabi: “Ull, ipakalat mo ang Mabuting Balita ng Panginoon. Ang SIM card na ito ay unlimited to all networks.”, at naglaho ang kalapati. Ginamit ng Ull ang SIM card, at tulad nga ng hula nya, wala pa ring signal.

Nang humupa na ang baha, nagreklamo ang taongbayan sa lokal na gobyerno. Sabi ng gobyerno “Natural na pangyayari ang baha”. Tama. Natural nga ang pagbaha ng sabaw ng balut na lasang catsup.

ITUTULOY

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: